ngangasab-ngasab ka ng kapirasong skyflakes condensada habang nag-aaral ng industry & market analysis para sa isang raket pambayad ng utang mo sa tropa. hindi mo pa naaaral kung dalisay ba ang datos ni Piketty. wala ka pang makuhang matinong trabahong 'di mo isusuka at 'di ka gigipitin dahil wala ka namang tinapos, maangas ka lang at kasing kapal ng libag mo ang mukha mo.
nakatayo ka ngayon sa MRT at may katabi kang naka-polo. nanlilimahid ang t-shirt mong itim. higit dalawang linggo na itong di nalalabhan. mabuti nalang at naligo ka naman kahapon. mainit pa sa panahon ang ulo mo. umabot na dati sa puntong nakapanakit ka ng mahal mo sa buhay dahil gutom ka, at takot kang magutom lalo, magutom muli. ilang araw nang kumakalam ang sikmura nila. hinaplos mo. hindi umubra ang tula. nakaidlip kayo sa himig ng bentilador, sa saliw ng mga kapitbahay na nagpapalitan ng barya sa mesa. laro ang wika, kulang ang pusta.
kinakabahan ka ngayon dahil baka di ka papasukin ng sekyu sa Ateneo mamaya. nakatsinelas ka lang. at itim ang tsinelas mo. madalas kang matapilok dahil dito. magbebenta ka ng itim na tula, pula ang binding. may bentelog sa katipunan, believe it or not. perstaym mong tumuntong sa heightscienda Ateneo. dito ka sana nag-aaral ngayon kung natuloy ka sa pagpapari. kaso adik ka. at kahibangan ang translocality. walang global south. at hindi mo afford magpalinis ng kuko.
pangarap mong mag-prod ng beat para kay Kendrick Lamar. tatlong magsasaka ang pinaslang ng rehimeng Duterte kamakailan. tatlo ang inilibing, marahil inutang pa ang kabaong. lalong marami ang hindi pa nahuhukay. gago rin 'to si Althusser, sabi ba naman: "Philosophy is, in the last instance, class struggle in the field of theory."
walang teorya dito sa Pilipinas dahil puntod na ang mga bukirin. walang teorya dito sa Pilipinas hanggat busog ang iilan at gutom ang nakararami. walang ibang kahihinatnan ang eleksyon kundi gutom. gutom rin ang magsusulong ng rebolusyon. at walang may monopolyo ng naratibo nito. isasaing palang sunog na ang kaldero
ubos na ang skyflakes condensada. iba talaga ang nagagawa ng karagdagang flavor. ang bawat tamis may latent na hinagpis.